POEA: Agarang imbestigasyon sa pagkamatay ng kasambahay na si Rochelle Masubay

Wala pong "whitewash" sa imbestigasyon sa pagkamatay ng kasambahay sa Saudi na si Rochelle Lechido Masubay noong 2014. Tahasan po nating aalamin kung ano ang nangyari kay Rochelle, kung bakit hindi nagbigay ng report ang recruiter ni Rochelle patungkol dito, at kung bakit tila hindi nagpakatotoo ang recruiter sa mga kaanak ni Rochelle.

Itinawag po sa aking pansin ng Migrante International ang kaso ni Rochelle. Bagama't may "Compromise Agreement with Quitclaim and Release" na linagdaan sa aming Conciliation Unit ang kamag-anak ni Rochelle at ang kanyang recruiter na Fors International Inc., alam naman po natin na hindi layunin ng isang "Compromise Agreement with Quitclaim and Release" na ipagkait ang nararapat na tanggapin ng mga tagapagmana ni Rochelle; na ipagbawal ang paghabol sa itinaguyod na esensiya at utos ng batas; na yurakan ang karapatan ng sinumang OFW.

Marami pong tanong sa aking isipan na kailangang sagutin ng Fors International at ng Saudi partner nito na Asas for Recruitment: Paano nabawian ng buhay si Rochelle? Bakit tila inilihim ang kanyang pagkamatay? Bakit hindi nagsumite ng report patungkol dito sa POEA? May ginawa ba ang Fors International at Asas for Recruitment para masabing binantayan nila ang kalagayan ni Rochelle, mula nang nakarating siya sa Saudi noong Mayo 2014? At bakit tila walang hayag na pagbibigay-alam na may mga benepisyo ang mga tagapagmana ni Rochelle, katulad ng compulsory insurance indemnity na sang-ayon sa Republic Act No. 10022?

Inatasan ko na po ang POEA Adjudication Office na magsampa ng kaso laban sa Fors International at Asas for Recruitment, at magpataw ng preventive suspension alinsunod sa POEA Rules and Regulations.

Uulitin ko po: walang "whitewash" sa anumang kaso na nakataya ang dignidad ng isang OFW.

Reply · Report Post