Mga balik-manggagawa #OFW hinihikayat ng POEA na mag-online processing

Mas mainam na gumamit ng internet ang mga OFW na magbabakasyon sa Pilipinas ngayong Pasko kaysa pumila sa pagkuha ng kanilang OEC o overseas employment certificate ayon sa Philippine Overseas Employment Administration o POEA.

Sinabi ni Administrator Hans Leo J. Cacdac na dahil sa mahabang bakasyon ngayong Kapaskuhan, maaaring dagsain ng mga OFW balik-manggagawa ang mga opisina ng POEA para sa kanilang exit clearance bago sila bumalik sa kanilang mga jobsite sa ibang bansa.

Sa BM Online, mas mabilis ang proseso at tipid sa gastos katulad ng pamasahe at pagkain keysa kung pupunta pa sa POEA, ayon kay Cacdac.

Ang address ng BM Online sa internet ay bmonline.poea.gov.ph.

Sa mga hindi kwalipikadong gumamit nga BM Online processing kagaya ng mga OFW na wala pa sa database ng POEA, maaari silang makipag-appointment para makuha ang kanilang OEC sa oras at araw na maluwag sa kanila. Kailangan din na mag login sa bmonline.poea.gov.ph para sa appointment.

Kung walang silang access sa internet, maaaring personal na kumuha ng OEC sa mga BM Processing Centers ng POEA na matatagpuan sa Trinoma sa QC, SM Manila, Duty Free Philippines sa Parañaque, Pag-ibig main office sa Makati, main office ng OWWA sa Pasay City; at sa opisina ng POEA sa Ortigas.

Maaari ding mag-process ng OEC sa mga opisina ng POEA sa San Fernado, La Union; Tuguegarao. Cagayan; Baguio City, SM City Pampanga; Calamba, Laguna; Legaspi City; Cebu City; Iloilo City; Bacolod City; Tacloban City, Davao City; Zamboanga City; Cagayan de Oro City; Koronadal City; Butuan City; at Bongao, Tawi-Tawi.

Ang mga opisinang nabanggit, kasama na ang mga nasa shopping malls, ay hindi magbubukas sa mga araw na itinakdang regular at special holiday ng Opisina ng Pangulo.

Reply · Report Post